ANG SARILING WIKA
Wikang Pilipino, anong tamis pakinggan!
Di-dapat ikahiya kanino pa man.
Mga kababayan napapalingon at nakakapansin
Kapag nakakarinig ng taginting ng wika natin.
"O, Pilipino pala kayo, kumusta po naman?"
"Mabuti po, maraming salamat kababayan."
At iyon ang madalas na pagsisimula
Ng samahang masigla,
Maganda at mahabang pagkakaibigan
Ng mga Pilipinong wala sa sariling bayan.
(Kung mayroon mang tinatawag na poetic license, hayaan ninyong gamitin ko iyon dito. Nais ko lamang ipahayag ang aking damdamin tungkol sa ating wika sa ganitong paraan.)
Nananawagan po kami sa aming mga kamag-aaral at
kaibigang kasama naming nagtapos sa Mataas na Paaralang Arellano noong
taong 1949.
Sana'y maging paraan ito upang tayo ay magkaroon ng mabuting komunikasyon sa isa't isa. Hindi naiwasan ang ating pagkakahiwa-hiwalay. Marami sa atin ang nasa Maynila at karatig na mga siyudad; marami rin naman sa atin ang napadako na sa iba pang lugar ng Pilipinas. Tulad ni Adoracion Tiangco. Balita po namin ay sa Cebu na siya naninirahan. Marami rin namang nagsilikas na sa ibang bansa. May mga kaibigan tayo sa Estados Unidos ng America. Mayroon ba kayong alam na nasa Canada, UK, o sa iba pang dako ng daigdig? Sana'y maabot natin sila; mas marami, mas masaya, hindi po ba?
Napakasaya kapag tayo ay nakadadalo sa mga balik-sama-sama (Bb. Paz Nicasio, puede ko po bang gamitin iyon para sa reunion?) Subalit marami sa atin ang di-makadalo sa balik-sama-samang iyon dahil sa iba't ibang dahilan. Napakalayo para sa iba, lalo pa iyong mga nasa ibayong dagat. Ang iba naman ay hindi na makalakad na mag-isa. Kailangan na nila ang alalay dahil sa kanilang edad o sa ano pa mang kapansanan sa katawan. Paano kung walang aalalay sa kanila?
Sa pamamagitan po ng website na ito, sana'y magkaroon tayong muli ng pag-uugnayan. Iyon po ang misyon nito. Makipag-ugnayan po tayong muli sa isa't isa hindi lamang minsan sa isang taon, manapa'y (saan ko kaya kinuha ang salitang ito) kahit kailan ninyo maisipan o kahit kailan kayo may panahon. Kung medyo po hindi kayo sanay sa paggamit ng computer, patulong po kayo sa inyong mga anak, apo o mga kaibigan.
Tayo na po! Magsama-sama tayong muli!